Gatas at Pandesal

Ito ang pinapangarap kong eksena sa umaga o madaling araw. May mainit na tubig. Sa mesa ay naroroon ang mga sangkap sa panimpla: kape, gatas, tsokolate, asukal, etc. Sa tabi nito ay ang mainit na pandesal na kakaluto lamang mula sa bakery.
gatas at pandesal
Dahil umaga pa, tulog pa ang aking mga kapatid. Pero ang aking ina na sa madaling araw din nagigising upang maghanda sa pagpasok sa opisina ay naghahanda na ng kanyang panligo. Ang aking ama, minsan ay bumabangon na rin para mag-banyo, tapos uupo rin sa harap ng lamesa, magtitimpla ng kape (o gatas na ata ang iniinom niya), at susubo ng pandesal. Mag-uusap kami, o kaya naman ay magbabasa siya ng dyaryo (kung meron man).

Mapayapa ang umaga. Siguradong sa pag-alis ko ng bahay patungo sa mekanikal na mundo – at tila ba hiwalay ang binabanggit kong tahanan sa mundo – ay magaan ang aking pakiramdam. Maya-maya lang ay magigising na ang aking mga kapatid, mag-aalmusal at kanya-kanya nang puntahan sa mga kaibigan, o kaya naman ay sabay-sabay na manunuod ng tv. Ang aking ama, siguro ay hinihimas na ang kanyang mga manok, tapos ay bibisitahin ng kanyang mga katropa. Ang aking ina ay nasa sulok na ng kanilang opisina at nagtatrabaho. At ako, marahil sakay na ako ng sasakyan, at hihintayin na lamang ang paglipas ng oras hanggang makarating sa pinagtatrabahuang gusali.

Pero hindi ganun kapayapa ang riyalidad. Marahil sa mas maraming tahanan ay iba ang eksena: Wala ni bakas ng tinapay sa mesa. Ang ama o anak ay nagkukumahog na sa pagpasok, iniiwasang mahuli sa trabaho dahil tiyak na malaki ang makakaltas sa kanyang sweldo. Ang ina ay maiiwan sa bahay, marahil nag-iisip kung paano ang gagawin para madagdagan ang pang-araw-araw na kita ng pamilya, o kaya naman ay para mas lalong makatipid.

At ito ang riyalidad na tatambad sa akin tuwing umaga habang nasa sasakyan, tanaw sa bintana ang magulo at maingay na mundo: mga taong nakaabang sa terminal at naghihintay ng masasakyan, mga vendor na naghihintay ng customer sa kalsada, mga humaharurot na sasakyan sa lansangan, maiitim na usok mula sa mga nangangalit na tambutso, at kung anu-ano pa. Marahil tulad ko, ganun din ang eksena na pinapangarap nila sa araw-araw, mapayapang buhay na magsisimula sa gatas at pandesal tuwing umaga.