Paalala: ang mga bata

Tulad nina Minayun at Binembi,
tangan ng mga bata ang sandatang wawasak
sa sumpa ng kasalukuyan.
Sa ngiti nila mababatid ang kadalisayan.
Sa ningning ng kanilang mata matatagpuan ang katotohanan.
Nasa kanilang palad ang hinaharap.
Maaga pa’y sanayin kung paano ito magagamit sa mabuti.
Sila ang kinabukasan, ang susunod na henerasyon.
Huwag maliitin ang kakayahan nilang umunawa.
Huwag sayangin ang panahon.

Advertisements

Minsan, pag wala ka’t naaalala kita

Minsan, pag wala ka’t naaalala kita
naiisip ko kung
puntahan mo kaya ako at
tabihan sa pagkakaupo.
Pag-usapan natin ang iba’t ibang may
katuturan at walang katuturang mga
bagay sa mundo.

Minsan, pag wala ka’t naalala kita
naiisip ko kung
tawagan mo kaya ako at
yayaing lumabas, tumambay, kumain.
Maglakad-lakad tayo sa kung
saan-saan lang habang pinapalipas
ang oras.

Minsan, pag wala ka’t naaalala kita
naiisip ko kung
i-text mo kaya ako o
i-chat sa facebook ng kahit simpleng
“Hi”, Hello”, “Kamusta?” o
“Boring ang panahon”, “Ang init, noh?”
Oo nga pala,
hindi ko pa nasasabi sa’yo
(at hindi ko rin alam kung masasabi ko pa)
na sa tuwing
ginagawa mo yun,
napapangiti ako,
gumaganda ang mood ko,
gumagaan ang pakiramdam ko
umaaliwalas ang paligid ko.

Pero madalas
kapag nandyan ka na
naghahanap ako ng pagkakaabalahan.
Nagiging busy ang mundo ko:
bulag-bulagan sa presensya mo
bingi-bingihan sa tinig mo.
Hindi mo lang alam
‘pag nandyan ka na
naiisip ko:

‘pag magkasama tayo,
namamalayan mo pa kaya ang oras?
‘pag magkausap tayo,
may iba ka pa kayang gustong sabihin na hindi mo masabi?
‘pag nakatingin ka sa’kin,
may pahiwatig kaya ang mga tingin mo?

Kaya madalas, pag wala ka’t naaalala kita,
naiisip ko
naiisip mo rin kaya ako?
 
 
Sa orihinal na bersyon ng akdang ito, karugtong ng linyang “naiisip mo rin kaya ako?” ang “Ikaw.. ako.. tayo?”. Pero masyadong pilit ang dating kaya inalis ko. Ngayon, parang bitin naman ang dating ng ending ng tula. Pero relatibong mas okay na rin ito kaysa dun sa pilit na bersyon. 😉
 
Sa totoo lang, hindi pa’ko nasisiyahan sa kinalabasan ng akdang ito. Ilang beses ko na itong binasa bago pagpasyahang i-publish, pero pakiwari ko ay napakarami ng sablay at marami pa ang kailagang kinisin para mas maging swabe ang dating. Kaya lang, hindi ko matukoy kung paano ito kikinisin: aling bahagi ang kailangan alisin? Alin ang kailangang palitan? Alin ang kailangang i-paraphrase? Sa huli, naisip kong wala namang maidudulot na negatibo sa akin kahit hindi ganun ka-swabe ang tula. Sayang naman kung magpapatali na lang ako lagi sa kakaisip kung pwede na kaya ito o hindi pa, di ba?