Gusto ko ng TV

Gusto ko na rin ng TV.

Nabanggit sakin ng isang roomie ko na gusto niya ng TV. Simula kasi nang mawala ang ilang dating housemates namin, tahimik na sa bahay. Madalas walang tao lalo na sa gabi, kaya parang lumungkot ang paligid. Sang-ayon din naman ako, pero nung binanggit niya yun, bale-wala lang saken. Nae-enjoy ko rin kasi ang katahimikan sa gabi, mas maaga akong nakakatulog, bukod pa sa wala naman akong balak gumastos para bumili ng TV. Pero nitong huli, kapag umuuwi ako sa bahay (at madalas ako lang mag-isa ang naiiwan sa gabi), nakikinig na lang ako ng radyo. Kaso parang nagsasawa na rin ako. Naisip ko tuloy, parang gusto ko na rin ng TV. Baka sakali, matuon doon ang atensyon ko, at makalimutan na kita.

Advertisements

Gupit

Ganun lang kabilis.

Nung nakaraan may outing sa opisina ng nanay niya. Hindi siya nakasama dahil conflict sa schedule. Naalala niya ang dahilan kung bakit ang bunso lang ang naisama nito (ang pangalawang kapatid may laro ng basketball, ang isa pa may pasok sa trabaho), kung bakit hindi ang tatay niya na libre naman ng mga oras na iyon.

Kasi ayaw nitong magpaputol ng buhok. Mahaba na ang buhok ng tatay niya, siguro mahigit kumulang dalawang taon niyang pinahaba yun. Kasi manipis lang ang buhok niya. Na-insecure siguro kaya nagpahaba. Ayaw niya pagupitan, kaya hindi siya isinama. Baka tuksuhin lang na jeprox.

“Jesus Christ,” asar ng bunso. “May Jesus Christ tayo dito sa bahay.” Tawa lang sila. Abot balikat na kasi ang buhok nito, manipis, sobrang nipis na kahit mahaba na ay kita pa rin ang anit.

Isang araw pa lang ang nakalilipas nang pagupitan niya ‘yon. Maraming beses na itong sinabihan magpagupit pero tila nung araw na ‘yon lang siya nakapagdesisyon. Siguro may malaking kinalaman ang pagdalaw ng mga kapatid nito dalawang araw nang nakalilipas bago nagpagupit. Nagulat rin nga siya nun nang dumating ang lahat ng kapatid ng kanyang ama, akala niya kasi dalawa lang sa kanila ang makakapunta. Nagkamustahan, nagkwentuhan, nagparamdam ng pagkasabik sa isa’t isa matapos ang ilang buwan na ring hindi pagkikita. Kung sa bagay, mahigit kalahating taon na rin yun, hindi kasi sila nakauwi ng probinsya nitong Abril para sa babang-luksa ng pagkamatay ng kanyang lolo (tatay ng tatay niya).

At nagulat siya pagdating niya umagang-umaga ng Biyernes, naroroon na ang kanyang mga tiyo at tiya, mapupula ang mga mata. Namumula rin pati mga mata ng kanyang tatay at nanay, at pati ng kanyang mga kapatid. Siguro’y nadala ng emosyon sa sobrang pagkasabik. Pinigilan niya ang pagtutubig ng kanyang mga mata, at niluwangan ang bibig saba’y banat sa tonong pabiro, “may handaan?” Isa-isang lumapit at nagmano sa mga matatanda at pagkatapos ay kumuha na rin ng pinggan at sumabay na sa pagkain.

Ramdam niya ang halu-halong emosyon ng mga oras na iyon. Ligayang may halong kalungkutan at pagkasabik na may bahid na pangamba. Natitiyak niya, maligaya ang kanyang ama, minsan lang mangyari ito, at kahit pa nalalaman ng kanyang ama ang kanilang pagdating, hindi nito napaghandaan ang sasalubong na emosyon.

Nanibago siya, bagamat naiintindihan niya ang naging gawi ng ama nung araw na ‘yon. Hindi ito sanay dahil tahimik lang madalas ang kanyang ama, matigas, at mataas ang pride. Nagpipigil maging emosyunal. Pero nung araw na ‘yon, walang nagawa ang batong damdamin at tuluyang nagpumiglas mula sa mahigpit na pagkakapiit ang pusong matagal nang ikinulong ng blangkong maskara.

Makailang ulit niyang narinig ang tanong ng mga kamag-anak, bakit hindi pa siya magpagupit? Minsang narinig niya ang tugon ng ina, kakausapin nito ang isang bayaw para siyang mangumbinsi sa asawa.

At pagkatapos ito na nga. Matapos ang dalawang araw nagpaputol siya ng buhok. Hindi pa niya nakikita ang bagong gupit na ama dahil kinailangan na niyang umalis patungong siyudad. Puno ng panghihinayang dahil hindi siya makakapagpaalam dito nang personal. Sabi ng nanay niya, daanan niya ito sa bahay ng kaibigan para doon magpaalam. Hindi niya magawa, madami siyang bitbit. Umasa siyang darating ang ama bago siya umalis, ngunit lumipas na ang ilang oras, at pakiramdam niya ay namumuti na ang mata ng kaibigang kanina pa naghihintay sa kanyang pagdating. Dinampot niya ang cellphone at saka nag-text. Hinintay muna ang sagot ng ama bago tuluyang umalis.

Sa jeep pinipigil niya ang alat na sumisilip sa gilid ng kanyang mga mata. Ngunit panaka-naka’y nakakatakas ang ilan sa mga ito. Tahimik lang siya habang nag-iisip. Biglang namahay sa isip niya ang sinabi ng kanyang ina, siguro daw ay matagal na ang karamdaman na ‘yon, mga dalawang taon siguro, kinakaya-kaya lang daw ng kanyang tatay at hindi pinapansin.

Ang masakit pa, hindi alam ng tatay niya na may ganung sakit na pala ito… hanggang ngayon….

At naalala niya ang habilin ng mga tiyo at tiya bago sila umalis. “Huwag ninyong pabayaan si papa ninyo, alagaan ninyo siyang mabuti.” At habang patungo sa Starex na inupahan para makarating sa kanila galing sa malayong probinsya, isa-isang pumatak ang mga luha sa kanilang mga mata. Luha ng pamamaalam, ngunit hindi ng huling pagkikita. Pamamaalam na punung-puno ng pag-aalala.

Hindi niya mapigilang mag-isip. Kung hindi nagpagupit ang tatay niya, hanggang saan kaya aabot ang haba ng buhok nito?