Panghihinayang sa antok

Ganito ang manghinayang:

Mararamdaman mo ang antok sa oras na hindi ka pa handang matulog. May bigat sa talukap ng mata. May pagnanasang humilata. Makikipagtitigan ka sa orasan at maiisip mo, maaga pa naman. Tatapusin mo ang kwentuhan habang patuloy na pinaaalahan ang sarili na hindi magpupuyat.

Hanggang sa magdesisyon kang makipagtuos sa gabi-gabing ritwal ng pagmamalinis. Pupunta ka sa kusina. Papasok sa banyo. Haharap sa salamin. At muli, papasadahan ng sulyap ang aparatong bilog at mapagtatanto mong ngayon na ang tamang oras. Bubulong ka, “Kaunting minuto pa hanggang matuyo ang buhok.”

Di kalaunan ay mangyayari ang iyong nais. At saka pa lamang sasalubungin nang buong pananabik ang paanyaya ng iyong kama. Pipikit ka. Tatagilid sa kanan. Higa nang deretso. Tagilid sa kaliwa. Taas-baba ang kamay. Taas-baba ang paa. At paulit-ulit mong hahagilapin ang tamang pwesto. Hihinga ka nang malalim. Kukunot ang noo. Kakapain sa tabi ang telepono at lalantad sa’yo ang oras ng katotohanan:

Dumating na, pinalampas pa.

Advertisements

#dinanatuto

Nakakainis lang kasi para nanaman akong tanga %@!^)*#. Umurong nanaman ang dila ko. Siguro naman hindi mo nahalata. Nagsalita rin naman ako kahit paano. Medyo nag-panic lang ang dugo’t blood cells ko nung may magsabing gusto kita. Para akong nabuhusan ng malamig na tubig. Buti nalang hindi OA ang reaksyon ko.

Masaya akong nakita kita ulit. Sa totoo lang hindi pa naman napakatagal mula noong huli kitang nakita. Tatlong buwan pa lang ang nakakalipas. Pero ngayon, feeling ko tinatamaan ako ng kanta ng Parokya ni Edgar, yung Alumni Homecoming. Labo nga eh. Unang-una hindi tayo batchmates. Higit sa lahat hindi tayo schoolmates noong high school.

Batay sa pagtatasa ko sa sarili ko, hindi na kita gusto. Nasabi ko na yan sa sarili ko nitong nakaraan eh. Noong huli kitang makita resolbado nako. Pero ngayon, medyo mag-iiba lang nang konti ang statement ko ha. Hindi na tulad ng dati ang pagkakagusto ko sayo. Pero gusto pa rin kita. Nakakatuwa ka kasi. Natutuwa ako na nagpapakatotoo ka. At nakakatawa ka rin. Natatawa ako kapag nag-iisip ka ng kung anu-ano. Pati reactions mo sa iba’t ibang bagay nakakatawa rin.

Lilinawin ko lang, subjective yung statement ko. Malamang. Mas alanganin pa nga eh. Ako din kasi hindi ko matantya kung nabawasan nga ba yung pagkakagusto ko sayo o nag-level up pa. Baka nasanay na lang din ako sa sarili ko na gusto kita. At nasanay na rin ako na hanggang dun na lang naman yun.

Argentina, don’t cry for me

Una, naparami ang buhos ko ng mantika sa kawali. Hindi naman sobrang dami, pero relatibong marami para iluto ang isang lata ng Argentina corned beef na 175 grams (fortified with zinc and iron). Mabigat sa dibdib dahil ang mahal-mahal ng mantika ngayon. Mantakin ba namang P20 ang isang plastic ng mantika, yung maliit na plastic na ginagamit kapag bumibili ng 8 oz na bote ng softdrink. Ang mahal! Bagong taon pa naman, pero ang trend sa presyo ng mga bilihin hindi nagbabago – pataas pa rin!

Tapos edi yun na nga. Bumili rin ako ng bigas na hindi ko naman naluto dahil pag-uwi ko may sinaing na. Bet! Perfect! Pinainitan ko na yun kawali at nag-gisa ng sibuyas bago binuhos yung corned beef. Bigla kong naisip kumuha ng itlog. Sa sobrang kagutuman, sa kawali ko na biniyak yung itlog at dun na rin ini-scramble kasama ng corned beef. Saka ko lang na-realize na parang mali yung ginawa ko. Naalala ko tuloy yung luto ng nanay ni Soleil. Parang ganun din yung ginawa niya. Kaso iba yung hitsura ng corned beef niya pagkatapos maluto.

Anyway, eto na nga yung luto ko. Mukang nakakain naman eh. Di ba? Di ba??