Saan Nagmula ang Karakter ni Maria Clara?

Sa tatlong magkakaibang artikulo nina Virgilio Almario, Luciano Santiago at Jose Victor Torres mababasa ang mga posibleng pinagmulan ng nasabing tauhan.
 
Sa pagsusuri ni Almario, tinangka nitong ipaliwanag ang mga katutubong batis na posibleng pinaghalawan ni Rizal ng karakter ni Maria Clara. Una rito si Laura, ang bidang babaeng tauhan sa awit ni Francisco Balagtas. Paliwanag ni Almario sa pagkakatulad ng dalawang tauhang pampanitikan:
 
“Tulad ni Maria Clara, may pambihirang kagandahan si Laura. Hindi lamang dahil sa sadyang maputi ang kutis (na natural para sa isang taal na prinsesang Europea), huwaran si Laura ng gandang sukat ikalito ng bida (ni Florante, gaya ni Ibarra) at ng tagapagsalaysay.”[1]
 
Ayon kay Almario, hindi nakapagtatakang may malalim na bisa sa pag-akda ng Noli ang “Florante at Laura” ni Balagtas na paulit-ulit na binasa ni Rizal kahit noong ito ay nasa Europa. Paliwanag pa ni Almario, si Maria Clara, tulad ni Laura, ay isa ring tauhan na bunga ng kolonyal na anyong pampanitikan na nag-aangkin ng isang banyagang anyo.
 
Pangalawa, at sa suri ni Almario ay isang tauhang binigyan ni Rizal ng kabuluhan sa panahong kinapalooban nito, maitutumbas ang katangian ni Maria Clara sa katangian ni Maria Makiling. Tulad ni Laura, ang paglalarawan ni Rizal kay Maria Makiling ay kahawig rin ng isang prinsesang Europea, bagaman ang kutis nito ay kayumangging-kaligatan na tanda ng katutubong imaheng Pilipino na kinakatawan nito. Itinampok din sa paglalarawan kay Maria Clara ang gaan ng katawan at grasil nito na tulad ng isang silfide, katulad ng paglalarawan ni Rizal kay Maria Makiling.
 
May magkaparehong paliwanag naman sina Torres at Santiago hinggil sa pinagmulan ng karakter ni Maria Clara. Sa mga artikulo ng dalawa, partikular na tinukoy ang huling kabanata ng “Noli Me Tangere” na ibinatay ni Rizal sa isang polyetong naglalahad ng sekswal na pang-aabuso ng isang prayleng Franciscano sa mga madre ng Monasterio de Santa Clara. Mababasa sa polyeto ang karanasan ni Sor San Rafael, ang madreng umakyat sa bubong ng Santa Clara upang makatakas sa tangkang pang-aabuso sa kanya ng prayle. Sa historikal na pagbabaybay ni Santiago hinggil sa mga naunang madreng Pilipina, binigyang-linaw nito kung sino ang madreng tinutukoy sa polyeto – si Pepita Estrada. Ang “mad nun episode” ay pinagtibay rin sa panayam ni Sor Carmen de San Miguel Archangel kay Sor Matilde de Santa Isabel, isa sa mga matatandang madreng nagsilbi bilang abesa sa kumbento bago magka-gyera.
 
Marami na ang naging basa at suri sa imahe ni Maria Clara at sa implikasyon nito sa Panitikan at lipunang Pilipino. Ngunit nananatiling “bugtong”, ayon nga sa paglalarawan ni Almario, ang tunay na pinaghalawan ni Rizal sa nasabing tauhan. May ilan nang mga naunang pag-aaral at pagpapalagay hinggil dito. Gayunpaman, ang espasyo para sa mas malalim at mayaman na pag-aaral ay nananatiling maluwag at bukas sa mga mananaliksik upang punuan ng higit pang kaalaman.
 
 
[1] Matatagpuan sa akdang “Ang Tunay na Maria Clara” ni Virgilio Almario, p. 176.
 
 
(Isinulat at ipinasa noong Marso 4, 2014 bilang isang pagsasanay na papel sa Pan Pil 280.)

Pagtuklas ng Katotohanan sa mga Kwento ni Genoveva Edroza-Matute

Kasimbilis ng pagsikat ni Genoveva Edroza-Matute, kilala rin bilang Aling Bebang, ang pag-unlad ng maikling kwento sa larangan ng Panitikang Pilipino. Nagsimula siya bilang isang batang manunulat sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano sa Pilipinas, at naging kaisa ng iba pang manunulat na humamon sa katangiang komersyal ng mga nailalathalang maiikling kwento.
 
Bilang babaeng manunulat, malaki ang naging papel ni Matute sa pagkilala sa kakayahan ng kababaihang lumikha, humubog ng kamalayan, at mag-ambag sa pag-unlad ng panitikang Pilipino. Pinatunayan ito ng kanyang mga akdang kinilala at pinarangalan bilang makabuluhan at natatangi gaya ng “Walong Taong Gulang”, “Kwento ni Mabuti”, at “Mga Sugat: Maging Matagal at Malalim”. Sa panahon na ang mga akda ng mga lalakeng manunulat ang higit na nabibigyang pansin at pagkilala, pinatunayan ni Matute na ang babae ay may kakayahan ding kumatha ng mga kwentong batay sa makabuluhang karanasan, may panlipunang kamalayan, sumasalamin sa panlipunang kaayusan, at humahawi ng daan upang hamunin ang mga mambabasa at kapwa manunulat na aktibong lumahok sa paglikha ng isang lipunang tumutugon sa mithiin ng mamamayan.
 
Ang kahusayan ni Matute sa paglikha ng maikling kwento ay higit na mailalarawan sa pambungad na isinulat ni Teodoro Agoncillo sa kauna-unahang kalipunan ng mga maiikling kwento ng manunulat:
 
“Ang kabuuan ng aklat ni Bb. Edroza ay isang tiyak na ambag sa panitikang Tagalog: may guni-guni, may maayos na pamamaraan, may damdamin, may kaisipan, at higit sa lahat, may kalamnang binihisan ng maganda ring kaanyuan. Walang pag-aalinlangan si Bb. Edroza ay isang tiyak na ambag sa panitikang Tagalog. Nasa panulat niya ang katatagan ng mulawin, ang kariktan ng ngumingiting bukang-liwayway, ng lungkot ng pagtatakip-silim, ang katiwasayan ng hatinggabi, at ang hiwaga ng madaling-araw.”[1]
 
Kinilala at pinarangalan ang mga akda ni Matute bilang mahalagang kontribusyon sa pag-unlad ng panitikang pambansa. Naging salamin ang mga ito ng kalagayang panlipunan na kinairalan ng manunulat. Nagsilbi itong instrumento sa pagkabunyag ng mga katotohanang ikinukubli ng umiiral na kaayusan. Bagamat hindi hayagan ang mensaheng ipinararating ng kanyang mga kwento, hindi maitatangging mahalaga ang naging papel ng kanyang mga katha sa pagtataas ng panlipunang kamalayan ng mga Pilipino.
 

Mga kwentong mala-detective story
 
Tila detective story, ayon sa paglalarawan ni Virgilio Almario, ang mga maikling kwento ni Matute. May kakaibang epektong idinudulot ito na nakakapanabik sa mga mambabasa upang tapusin ang kwento, tila nanghahamon na tuklasin ang susing ideya sa mapagpahiwatig na pagsasalaysay ng kwento, at hanapin ang kasagutan sa problema o tunggaliang nakapaloob dito.
 
Higit kong kinasabikan ang mga mala-detective story sa mga kwentong naglalahad ng karanasan ng pakikisalamuha ng guro at mga mag-aaral. May epektong kahanga-hanga at nakakadurog ng puso ang bawat pagtuklas nila. Sa mga pagkatuklas na ito, tila ang mga mambabasa ay sinasaniban ng katauhan ng guro. Kasabay ng pagtuklas ng gurong tauhan ay ang pagtuklas rin ng mambabasa sa katotohanang ipinahihiwatig ng kwento. Sa mga kwento ni Matute, nagawang mailagay ang mga mambabasa sa posisyon ng tumutuklas. Ang tinutuklas ay hindi lamang kung ano ang suliranin o mensahe sa kwento. Nakahihigit rito ay ang pagtuklas ng mga katotohanang sinasalamin ng mga ito.
 
Sa hindi sinasadya ay pinaka-naapektuan ako ng mga kwento ni Matute na nagsasalaysay ng mga makabuluhang karanasan ng pagtuklas ng mga guro hinggil sa mga katotohanang may kaugnayan sa buhay ng kanilang mga mag-aaral. Sa mga kwentong ito, naging epektibo ang naging pamamaran ni Matute sa paggamit ng mga tauhang mag-aaral bilang instrumento sa pagkabunyag ng katotohanan hinggil sa lipunang kinapalooban ng kanyang mga tauhan, ang lipunang sumasalamin sa mismong lipunang kinapapalooban ng manunulat.
 

Paaralan bilang pook ng kaalaman at kasanayan
 
Mahalagang institusyon ang paaralan sa paghuhubog ng bawat indibidwal. Dito hinahasa ang kaisipan ng mga mag-aaral, nagsisilbing pook ng pagkamulat at pagkahubog ng kanilang asal, kamalayan at paniniwala. Dito sinasanay ang mga mag-aaral na magbilang, sumulat, bumasa, umunawa, makisalamuha. Ang pook na ito ay humahasa sa kakayahan ng indibidwal na humarap sa mga masasalimuot na problema sa lipunang kanyang ginagalawan.
 
Ang paaralan ay pook rin ng samu’t saring karanasan na nagbibigay ng makabuluhang aral tungkol sa buhay at lipunan. Hindi lamang aral mula sa mga libro at iba pang babasahin na ibinabahagi ng guro sa loob ng klase. Higit na makabuluhan dito ay ang aral na natututunan sa proseso ng pagbabahagian at pakikisalamuha ng indibidwal sa kapwa indibidwal.
 
Totoong ang paaralan ay pook ng kaalaman at kasanayan. Ngunit hindi lamang mga estudyante ang binibigyang kaalaman at kasanayan. Hindi lamang sila ang dumaranas ng pagtuklas. Ang paaralan ay pook ng dinamikong relasyon sa pagitan ng guro at estudyante. Sa maraming pagkakataon, ang mga guro ay natututo rin sa kanilang karanasan sa paaralan, sa kanilang pakikisalamuha sa kanilang estudyante at kapwa guro. Natututo sila hindi lamang sa kanilang karanasan bilang guro, kung hindi pati bilang sabjek ng lipunan. Sa maraming kwentong isinulat ni Matute, ang mensaheng ipinahihiwatig ay kinatataglayan ng ganitong katangian ng relasyon sa pagitan ng guro at mag-aaral.
 
Pampublikong paaralan sa lungsod ang naging tagpuan ng ilan sa mga maikling kwento ni Matute. Sa mga paaralang ito inilahad ni Matute ang mga kwento ng karanasan ng pagtuklas ng mga katotohanan. Mahusay at makatotohanan ang kanyang paglalahad at paglalarawan ng tagpuan, mga tauhan, at mga pangyayari sa kwento. Hindi nakakapagtaka sapagkat may matalik itong kaugnayan sa kanyang karanasan bilang dating guro ng pampublikong paaralan. Paliwanag niya, “Mas madaling sulatin ang nakita mo’t naranasan.”[2]
 
Kaya naman sa kanyang mga maikling kwentong naglalahad ng mga makapagbagbag-damdaming karanasan sa loob ng paaralan, tulad ng “Walong Taong Gulang” (1939), “Paglalayag…sa Puso ng Isang Bata” (1947), at “Simula ng Isang Kahulugan” (1977), ang mga tauhan, pangyayari, at ang pagtuklas ng mga guro ay nagbuhat sa mayamang karanasan ni Matute.
 

Ang batis ng kawalang-malay bilang salamin ng katotohanan
 
Sa tatlong kwentong nabanggit, mga mag-aaral ang pangunahing tauhan ni Matute. May malalaking pagkakatulad ang mga mag-aaral na ito. Hindi magkakalayo ang kanilang mga edad. Si Leoncio Santos (mula sa “Walong Taong Gulang”) at ang pangunahing tauhan sa “Paglalayag…sa Puso ng Isang Bata”[3]  ay parehong nasa walong taong gulang. Habang si Arnulfo (mula sa “Simula ng Isang Kahulugan”) ay maaaring nasa anim, pito o walong taong gulang din, ang kadalasang edad ng mga batang nasa unang baitang. Pare-pareho silang mag-aaral sa elementarya at nabibilang sa una o ikalawang baitang. Ang pagpili ng ganitong katangian ng mga mag-aaral sa kwento ay maaaring may kaugnayan sa “malinaw na batis ng kawalang-malay” na tinutukoy ni Matute sa isa sa kanyang mga sanaysay:
 
“Ang katauhan ng mga bata ay batis ng malinis at malinaw na tubig na mapananalaminan ng kahit sino at sa kristal na tubig ay maaaninag ang karumhang hatid ng mga taon. Ang katauhan nila’y ulila sa pagkukunwari, sa pag-iimbot, sa malalalim at masisikot na pakana. Ang batis ay totoong malapit sa Bukal upang makalikom ng mga yagit at sukal sa pinagdaraanan.”[4]
 
Dagdag pa ni Matute:
 
“Ang kaliitan nila’y nasa sukat lamang ng katawan. Nguni’t madalas, ang kalakhan nila’y ibayo pa sa kalakhang inaasahang matatagpuan sa mga nilikhang umabot na, at lumagpas pa, sa sapat na taas at gulang.”[5]
 
Ang paglalarawang ito tungkol sa katauhan ng mga bata ay naging mahalagang aspeto sa nabanggit na mga kwento. Ang kalinawan ng batis ng kawalang-malay ng mga munting mag-aaral ang nagsilbing salamin ng mga guro na nagbigay kasagutan sa mga katanungang maghahatid sa kanila sa pagtuklas ng katotohanan. Sa pagsalamin sa kadalisayan ng puso ng mga mag-aaral na ito, tumambad sa kanila ang katotohanang natatakpan ng mga mabababaw na kaalaman at nakabubulag na paniniwalang nangibabaw sa kanilang paningin. Sa mga kwentong ito, nailarawan kung paanong sa pamamagitan ng “malinaw na batis ng kawalang-malay”, makapaghuhugas ang guro upang maalis ang mga batik na nakuha niya sa paglalakad sa masalimuot na landas ng kanyang buhay[6].
 
Mapapansin rin ang presensya ng kahirapan sa bahagi ng mga mag-aaral bilang magkakaparehong elemento sa tatlong kwento. Pare-parehong nagmula sa mahirap na pamilya sina Leoncio at Arnulfo, samantalang ang paksang tauhan sa “Pagliliyag…ng Isang Bata” ay isang batang ulila na lumuwas ng kanilang pook upang mamasukan sa ibang pamilya. Ang katangiang ito ng mga mag-aaral ay nagpahusay upang higit na maging makapagbagbag-damdamin ang karanasan ng pagtuklas ng mga guro sa kwento. Ito ang ubod ng katotohanang natuklasan ng mga guro sa paghahanap ng kasagutan sa kanilang mga palaisipan. Ito rin ang dahilan kung bakit mapait ang pagtuklas ng katotohanan sa mga kwento ni Matute. Sa pananalita ni Miss De la Rosa, ang tauhang guro sa kwentong “Walong Taong Gulang”:
 
“… iyon ang nagbabagang katotohanang nag-iwan ng bakas sa aking kaluluwa.
 
“Napatotohanan ko ang kasabihang kung kailan maraming sasabihin ang isang tao ay saka siya walang masabi. Nag-umapaw sa aking puso ang isang damdaming ayaw magpagalaw sa aking labi.”[7]
 

Natuklasan nila ang katotohanan
 
Ang guro ang tagapagsalaysay ng mga pangyayari sa tatlong kwento. Ang isinasalaysay ay ang kanilang karanasan, ang kanilang pagtuklas.
 
Kapansin-pansin na pare-parehong unang panauhan ang ginamit ni Matute sa pagsasalaysay. Ang paggamit ng ganitong panauhan ay isang katangiang tinataglay ng mga kwentong akda ng mga manunulat na naging kasapi ng samahang Panitikan at ng Ilaw ng Bayan, ang samahang kinasapian rin ni Matute.[8] Bagamat masasabi rin na ito ay maaaring tanda ng pagtukoy sa sarili ng manunulat. Maaaring pagpapahiwatig ito na ang karanasan ng mga gurong tauhan sa kwento ay may malapit na pagkakatulad o kaugnayan sa kanyang karanasan bilang guro, sa kanyang mga karanasan ng pagtuklas, sa pakikisalamuha niya sa mga munting estudyante.
 
Halimbawa na lamang, sa “Paglalakbay…sa Puso ng Isang Bata”, ibinunyag ni Matute kay Virgilio Almario na ang mag-aaral na paksang tauhan sa kwento ay tumutukoy sa kanyang dating estudyante sa unang baitang. Sina Leoncio at Arnulfo ay mga tauhang parehong hinugot rin sa mayamang karansan ni Matute bilang guro.[9]
 
Nakaaantig ang paglalahad ng pagtuklas ng mga guro. Sa kwentong “Walong Taong Gulang” at “Simula ng Isang Kahulugan”, nabigyang linaw ang palaisipang nanahan kina Miss De la Rosa at Mimi, (ang gurong tagapagsalaysay sa kwentong “Simula ng Isang Kahulugan”). Bakit hindi nakikipaglaro sa kapwa mag-aaral, palaging mapag-isa, mapag-isip, lampa at mahiluhin si Leoncio? Bakit sa loob ng isang linggo ay madalas lumiban sa klase si Arnulfo? Ang mga katanungang ito ang nagbukas ng daan upang matuklasan ng dalawang tauhan ang katotohanan.
 
Sa paghahanap ng kasagutan, pinuntahan ni Miss De la Rosa ang tahanan nina Leoncio. Natagpuan niya ang tahanan nina Leoncio, napag-alamang maysakit ito kaya matagal nang hindi pumapasok, nakilala at nakausap niya ang ina nito, nalaman ang hinggil sa pagkakakulong ng ama ni Leoncio, napagtanto ang kahirapang dinaranas ng kanyang pamilya kung kaya hindi siya magawang mapatignan ng kanyang ina sa manggagamot. Ang natuklasang katotohanang ito ang sanhi kung bakit nasisi ng guro ang sarili sa pagtatanong ng “Napatingnan na po ba ninyo sa manggagamot?” at kung bakit nagbalik sa kanyang gunita ang pagtatanong niya kay Leoncio ng “Bakit, ayaw mo ba ng gulay at itlog? Hindi ka ba kumakain ng bungang-kahoy na sinabi ko sa iyo? At ang gatas na sariwa?”[10]
 
Sa pakikipagkwentuhan ni Mimi sa kapwa guro, nakilala niya si Jose, ang kapatid ni Arnulfo. Nalaman niya na madalas din itong lumiban sa klase at napansin ang uniporme nitong palagi ring suot ni Arnulfo. Sa pagpasok ni Arnulfo kinabukasan, kasabay ng pagliban ni Jose sa klase, muling pinagmasdan ni Mimi ang suot na uniporme ng kanyang mag-aaral at napagtantong kapareho ito ng suot ni Jose sa kakalipas lang na araw. Ang pagkatuklas na ito ang sanhi ng pag-ilag ng mga mata ni Mimi sa mabibilog na mata sa butuhang mukha ni Arnulfo, at ng panunumbat sa kanya ng kanyang mga “kahungkagan”.
 
“Nagsayaw sa aking balintataw ang nagkakasiksikan nang mga bestido sa aking kabinet at sa bagong kabinet na ipinagawa ni Daddy. Tumulig sa aking pandinig ang walang katapusan kong “Wala na akong maisusuot” na ikinangungunot ng noo ni Mommy at ikinatatawa ni Daddy. Sinumbatan ako ng kahungkagang kinainipan ko sa pagtuturo ng What’s your name? I take a bath and change my clothes.”[11]
 
Nakatitinag din ang pagtuklas ng guro sa kwentong “Sa Paglalayag…sa Puso ng Isang Bata”. Relatibong naiiba ang karanasan ng pagtuklas ng guro, bagamat halos kapareha ng sa dalawang kwento ang kanyang unang pagtuklas. Pinagtakhan niya ang pagiging mahiyain ng estudyante, tahimik, nag-iisa at umiiwas sa iba. Ngunit hindi tulad sa dalawang naunang kwento, lantarang inihayag ni Matute sa kwentong ito ang katotohanang natuklasan ng guro hinggil sa kanyang palaisipan:
 
“Unti-unti kong napagdugtung-dugtong ang mga katotohanan tungkol sa kanyang buhay. Payak ang mga katotohanan: siya’y isang munting ulilang galing sa lalawigan, lumuwas sa malaking lunsod bilang utusan. At kalahating araw siyang pumapasok sa paaralan upang may makasama sa pagpasok at pag-uwi ang anak ng kanyang panginoon.”[12]
 
At hindi rin tulad ng dalawang nauna, may resolusyon ang usaping ito sa kwento upang ang mag-aaral na mahiyain, tahimik, nag-iisa at umiiwas sa iba ay makaranas na makipaghabulan, umakyat sa mga ipinagbabawal na pook, magpadulas at mahiga sa loob ng silid-aralan:
 
“Isang mabagal na paraan: ang pag-akit na iyon sa kanya at pagtiyak na siya’y mahalaga at sa kanya’y may nagmamahal.”[13]
 
Ngunit bukod dito, may isa pang karanasan ng pagtuklas na higit na binigyang-diin sa kwento: ang kalakhan ng puso ng kanyang munting estudyante. Ang matinding galit at nakapanliliit na pananalita na kanyang binitawan sa mag-aaral ay tinugon nito sa pamamagitan ng kanyang pagbalik sa silid upang magsabi ng nakasanayang matamis na “Goodbye, teacher”. Ang kahanga-hangang ipinakita ng estudyante ay itinuring bilang isang aral ng guro:
 
“Kung gaano katagal ako noon sa pagkakaupo, ay hindi ko na magunita ngayon. Ang tangi kong nagugunita’y ang pagpapakumbaba ko sa kalakhan ng puso ng munting batang yaon, sa nakatitinag na kariktan ng kanyang kaluluwa. Nang sandaling yaon, siya ang aking naging guro.”[14]
 
Isang elemento na parehong matatagpuan sa tatlong kwento ang mahigpit na nakakabit sa karanasan ng pagtuklas ng mga tauhang guro – ang kalungkutan. Ang mga elementong “malinaw na batis ng kawalang-malay” at kahirapan ay mga susing sangkap na nagdulot at nagpatingkad sa elementong ito sa kwento.
 
Hindi kaagad mararamdaman ang kalungkutan sa simula ng mga kwento sapagkat inuumpisahan ang mga ito nang magaan ngunit nakakatawag-pansin na paglalarawan ng kasalukuyang posisyon ng nagsasalaysay. Hindi agad inilalahad ang tunggalian o suliranin sa kwento. Ito ay lalabas lamang sa kanyang pagbabalik-tanaw sa lumipas na karanasan. Kasabay ng paglalahad ng mga katanungan o palaisipan na naglalaro sa isipan ng mga guro, saka pa lamang unti-unting mararamdaman ang kalungkutan sa kwento. Sa proseso ng paghahanap ng kasagutan ng mga guro hanggang sa ganap na pagkatuklas sa katotohanan, saka lang din ganap na mararamdaman ang kalungkutan.
 

Ang guro ay mag-aaral din
 
“Sa panitikang pambansa, si Aling Bebang ang una’t pinakanatatanging tagapaglahad ng mga musmos na lunggati’t kalungkutan sa loob ng paaralan.”[15]
 
Tunay na kahanga-hanga ang mga maikling kwento ni Matute na tumatalakay sa mga karanasan ng mga guro at mag-aaral sa loob ng paaralan. Sinalamin ng mga ito ang mga kongkretong karanasan ng mga guro at mag-aaral sa totoong buhay. Naipahiwatig sa mga ito ang mga suliraning personal at panlipunan na matagal nang naghihintay ng katugunan.
 
Sa paglalahad ng karanasan ng pagtuklas ng mga gurong tauhan, ang mga guro ay naipwesto ng manunulat sa posisyon bilang mag-aaral. May binabasag ang ganitong ideya sa umiiral na relasyon sa pagitan ng guro at mag-aaral at sa paniniwala hinggil sa daloy ng kaalaman sa pagitan nilang dalawa. Ang guro ay hindi palaging taga-bigay ng kaalaman, ang mag-aaral ay hindi simpleng tagatanggap lamang ng kaalamang ito. Ang daloy ng kaalaman ay hindi palaging mula sa guro patungo sa mag-aaral. Bagkus, ang daloy ng kaalaman sa pagitan ng guro at mag-aral ay dalawahan – ang mag-aaral ay natututo sa guro, at ang guro ay natututo sa kanyang mag-aaral. Hindi lamang simpleng dalawahan, kundi dinamiko ang proseso ng kanilang pagkatuto. Sa kanilang tuluy-tuloy at dalawahang panig na pagbabahagian, nadaragdagan at lumalalim ang kanilang kaalaman. Ang guro at mag-aaral ay nailalagay sa pantay na posisyon. Sila ay kapwa guro at mag-aaral ng bawat isa.
 
Ngunit walang pananalitang binitiwan sina Leoncio, Arnulfo, at ang paksang tauhan sa “Pagliliyag…sa Puso ng Isang Bata” na nagpapakita ng kanilang pakikipag-bahagian ng kaalaman sa mga gurong tauhan. Sa halip, sila ay naging matipid sa pananalita at masunurin. Ang kanilang kamusmusan at kawalang-malay ay sumapat na upang magamit ni Matute ang kadalisayan ng kanilang puso bilang instrumento ng pagtuklas ng katotohanan.

 

 
 
 
Mga Sanggunian:

 
Agoncillo, Teodoro. 1996. “Pambungad: Isang Kaluluwa ang Nagtatanong…” sa Ako’y Isang     Tinig.   Manila: University of the Philippines Press. Ph. vii-xiv.

Almario, Virgilio. 1992. “Ang mga Kwento ni Alling Bebang,” sa Piling Maiikling Kwento:          1939-1992. Manila: Ateneo de Manila University Press. Ph. vii-xxxvii.

Edroza-Matute, Genoveva. 1996. “Malinaw na Batis ng Kawalang-Malay.” Ako’y Isang Tinig.    Manila: University of the Philippines Press. Ph.239-243.

__________. 1996. “Walong Taong Gulang.” Ako’y Isang Tinig. Manila: University of the           Philippines Press. Ph. 47-57.

__________. 1988. “Maikling Kasaysayan ng Maikling Kathang Pilipino.” Piling Maiikling           Katha ng Huling 50 Taon. Manila: Kalayaan Press Mktg. Ent., Inc. Ph. 3-27.

__________. 1992 “Paglalayag…sa Puso ng Isang Bata.” Piling Maiikling Kwento: 1939-1992.   Manila: Ateneo de Manila University Press. Ph. 56-60.

__________. 1992. “Simula ng Isang Kahulugan.” Piling Maiikling Kwento: 1939-1992. Manila: Ateneo de Manila University Press. Ph. 194-201.

Soledad Reyes. 2003. “Introduksyon.” Ang Silid na Mahiwaga. Manila: Anvil Publishing, Inc.     ph. xv- xxxiv.

 
 
 
 

[1] Sipi mula sa “Pambungad: Isang Kaluluwa ang Nagtatanong…” ni Teodoro A. Agoncillo na ginamit bilang introduksyon sa antolohiyang Genoveva Edroza-Matute, Ako’y Isang Tinig (Manila: University of the Philippines Press, 1996), p. xiv.

[2] Virgilio Almario, “Ang Mga Kwento ni Aling Bebang,” sa Genoveva Edroza-Matute, Piling Maiikling Kwento: 1939-1992 (Manila: Ateneo de Manila University Press, 1992), ph. xv-xvi.

[3] Sa kwentong ito, hindi binigyan ng manunulat ng pangalan ang paksang tauhan, gayundin ang tauhang guro.

[4] Genoveva Edroza-Matute, “Malinaw na Batis ng Kawalang-Malay” na matatagpuan sa antolohiyang Genoveva Edroza-Matute, Ako’y Isang Tinig (Manila: University of the Philippines Press, 1996), p. 241.

[5] Ibid., p. 240.

[6] Ibid., p. 243.

[7] Sipi mula sa maikling kwento na “Walong Taong Gulang” ni GEM.

[8] Virgilio Almario, “Ang Mga Kwento ni Aling Bebang,” sa Genoveva Edroza-Matute, Piling Maiikling Kwento: 1939-1992 (Manila: Ateneo de Manila University Press, 1992), p. xi.

[9] Ibid., p. xvi.

[10] Mga sipi mula sa maikling kwento na “Walong Taong Gulang” ni GEM.

[11] Sipi mula sa “Simula ng Isang Kahulugan” ni GEM.

[12] Mula sa “Paglalayag…sa Puso ng Isang Bata” ni GEM.

[13] Ibid.

[14] Ibid.

[15] Virgilio Almario, “Ang Mga Kwento ni Aling Bebang,” sa Genoveva Edroza-Matute, Piling Maiikling Kwento: 1939-1992 (Manila: Ateneo de Manila University Press, 1992), p. xvi.

 

(Naisulat noong Pebrero 1, 2014. Ito ang orihinal na papel na aking ipinasa bilang huling kahilingang papel sa PanPil 210. May plano pa akong i-rebisa ito batay sa mga komento ng aking super hinahangaang propesor. 🙂 )

Pag-uulat sa Panitikang Pilipino 202: Rolando Tinio

I. Tungkol sa Makata

Bilang isang mahusay na makata, manunulat, tagasalin, aktor at direktor, ang mga akda at produksyong pandulaan ni Rolando Santos Tinio (Marso 5, 1937 – Hulyo 7, 1997) ay nag-ambag nang malaki sa pagpapayaman ng kultura at sining ng mga Pilipino. Dahil dito, siya ay pinarangalan bilang Pambansang Alagad ng Sining noong 1997.

Supling nina Domonador Tinio at Marciana Santos, si Rolando Tinio ay isinilang sa Gagalangin, Tundó, nagtapos ng mababang paaralan sa Mababang Paaralan ng Lakandula sa Tundó noong 1948, at mataas na paaralan sa Mataas na Paaralang Letran noong 1951. Sa taong 1955, nakamit niya ang Batsilyer ng Pilosopiya sa Pamantasan ng Santo Tomas nang may dangal bilang magna cum laude sa edad na 18.  Pagkaraan ay nagkamit ng titulong Pantas ng Pinong Sining sa Malikhaing Pagsulat sa Pamantasang Estado ng Iowa noong 1958. Nakakuha rin siya ng iskolarsyip mula sa Sangguniang Britaniya kung kaya nakatapos rin ng maikling kurso sa sining pandulaan sa Pamantasan ng Bristol noong 1968.

Mula 1958-1975, nagturo siya ng Inggles, Filipino, at kursong sining pandulaan sa Pamantasang Ateneo de Manila at pinamunuan ang Kagawaran ng Inggles, at sumunod ang Kagawaran ng Filipino. Pagkaraan ay nagbitiw siya sa kanyang tungkulin sanhi ng hindi pagkakaunawaan sa ilang mga tao sa kagawaran.

Higit na kilala bilang isang mandudula, kabilang sa mga dulang kanyang naisulat ay ang It’s April, What Are We Doing Here? (1964), Claudia and Her Mother (1965), May Katwiran ang Katwiran (1972), The Boxes (1972), at The Life in the Slums (1975). Ilan din sa mga piling dula nina William Shakespear, Sophocles, Oscar Wilde, Ibsen, Anton Chekhov, Puccini, at Verdi ang isinalin niya sa Filipino tulad ng Ang Sopranong Kalbo (1987), Ang Halaga ng Pagiging Masigasig (1982), Romeo at Julieta (1981), Caligula (1981), Pangarap sa Isang Gabi ng Gitnang Tag-araw (1980), Hamlet (1979), at marami pang iba.

Bukod dito, sumulat rin si Tinio ng mga iskrip sa pelikula at telebisyon. Kabilang dito ang Milagros (1997), Bayad Puri (1997), Gamitin mo Ako (1985), at Now and Forever (1973). Bilang artista, gumanap din siya sa mga pelikulang The Flor Contemplación Story, A Dangerous Life, at Noli Me Tangere, Mga Bangka sa Tag-araw, at Kadre.

Si Tinio ay ikinasal kay Ella Luansing, isa ring aktor sa teatro, pelikula at telebisyon, at nagkaroon ng dalawang mga anak – sina Antonio at Victoria. Noong Hulyo 7, 1997, binawian ng buhay si Tinio sanhi ng atake sa puso at hindi na nasilayan pa ang parangal sa kanya bilang Pambansang Alagad ng Sining.

II. Ang “Taglish” sa Panulaang Pilipino at Transpormasyon mula Ingles patungong Pilipino

Sa kanyang pananatili sa Iowa, kinilala si Tinio bilang isang mahusay na manunulat sa wikang Ingles. Dito, naisulat niya ang kanyang koleksyon ng mga tula, ang Rage and Ritual, na nanalo ng gawad mula sa Pamantasan ng Pilipinas. Sa panahong ito, naniwala si Tinio na tanging ang wikang Ingles lamang ang makapagpapahiwatig ng mga mensaheng nais niyang maiparating sa kanyang mga gawa. Minsang isang manunulat ang nagpahayag ng kanyang paniniwala sa kahalagahan ng paggamit ng wikang Tagalog sa Malikhaing Pagsulat, tumugon si Tinio sa pamamagitan ng isang artikulong inilathala sa pahayagang pang-iskolar ng Araling Pilipino. Ang artikulong ito ay naglalaman ng mga halimbawang tula na isinalin niya mula sa Ingles, sa layong patunayan na hindi kaya ng wikang Tagalog na tapatan ng salin ang orihinal na Ingles.

Nagbalik ng Pilipinas si Tinio pagkaraang makatapos ng Pantas ng Pinong Sining sa Malikhaing Pagsulat sa Iowa noong 1958. Sa parehong taon, isinulat ni Tinio ang kanyang “Valediction sa Hillcrest,” isang tulang isinulat gamit ang Taglish. Sa tulang ito, makikita ang pagkaipit ng persona sa pagitan ng pagnanais na manatili sa Iowa at sa pangangailangang bumalik sa sariling bayan. Matatagpuan ang marahil ay simbolo ng “identity crisis” na naranasan ng makata.[1]

Valediction sa Hillcrest
(Iowa City, 1958)
Pagkacollect ng Railway Express sa aking things
(Deretso na iyon sa barko while I take the plane),
Inakyat kong muli ang N-311, at dahil dead of winter,
Nakatopcoat at galoshes akong
Nagright-turn sa N wing ng mahabang dilim
(Tunnel yatang aabot hanggang Tundo).
KInapa ko ang switch sa hall.
Sa isang pitik, nagshrink ang imaginary tunnel,
Nagparang ataol.
Or catacomb.
                Strangely absolute ang impression
Ng hilera ng mga pintong nagpuprusisyon:
Individual identification, parang mummy cases,
De-nameplate, de-numero, de-hometown address.
Antiseptic ang atmosphere, streamlined yet.
Kung hindi catacomb, at least
E filing cabinet.
Filing, hindi naman deaths, ha,
Remebrances, oo. Yung medyo malapot
Dahil, alam mo na, I’m quittuing the place
After two and a half years.
                                                After two and a half years,
Di man nagkatyempong mag-ugat, ika nga,
Siyempre’y naging attached, parang morning glory’ng
Mahirap mapaknit sa alambreng trellis.
At pagkabukas ko sa kwarto,
Hubo’t hubad na ang mattresses,
Wala nang kutson sa easy chair,
Mga drawer ng bureau’y nakanganga,
Sabay-sabay mag-ooration,
Nagkahiyaan, nabara.
Of course, tuloy ang radiator sa paggaralgal:
Nasa New York na si Bob and the two Allans,
Yung mga quarterbacks across the hall
Pihadong panay ang display sa Des Moines.
Don and Constance aren’t coming back at all.
Gusto ko nang magpaalam –
                                                to whom?
The drapes? the washbowl? sa double-decker
Na pinaikot-ikot namin ni Kandaswamy
To create space, hopeless, talagang imposible.
Of course, tuloy ang radiator sa paglagutok.
(And the stone silence.
                                nakakaiyak kung sumagot.)
Bueno, let’s get it over with.
It’s a long walk to the depot.
Tama na ang sophistication-sophistication.
Sa steep incline, pababa sa highway
Where all things level, sabi nga,
There’s a flurry, ang gentle-gentle.
Pagwhoosh-whoosh ng paa ko,
The snow melts right under:
Nagtutubig parang asukal,
Humuhulas,
                nagsesemental.

Si Rolando Tinio ang natatanging imbentor ng “Taglish” – ang paggamit ng magkahalong salitang Tagalog at Ingles – sa panulaang Pilipino. Marami sa kanyang mga tula na Taglish ay matatagpuan sa isa sa kanyang mga libro ng mga tula, ang “Sitsit sa Kuliglig”. Paglaon, iniwan ni Tinio ang paggamit ng Taglish at nagbalik sa paggamit ng pormal at kolokyal na Pilipino.

Malaking salik sa paggamit ni Tinio ng wikang Tagalog sa kanyang mga tula ang mataas na diwa ng nasyonalismo at ng paghahanap sa sariling aydentidad na umiral sa bansa sa pagsapit ng 1960s. Ang impluwensiya nito ay hindi kataka-takang tumagos sa Pamantasang Ateneo de Manila kung saan nagtuturo si Tinio sa panahong iyon. Ilan sa mga makatang naririto – sina Edgar G. Alegre, Jose F. Lacaba, Bienvenido Lumbera, Edmundo Martinez, S.J., Antonio R. Samson, at Rolando S. Tinio – ay lumikha ng tula sa wikang Tagalog at “sumalungat sa kalakarang Ingles ang wikang pampanitikan ng mga estudyanteng manunulat.”[2]

III. Bagay Poetry sa Panulaang Pilipino

Nang magpasya ang “Heights”, ang magasing pampanitikan ng Ateneo, na ilathala ang mga tulang Tagalog ng mga mga estudyanteng manunulat  sa nasabing pamantasan noong 1960s, pinangalanan ang seksiyong ito na naglalaman ng mga kalipunan ng  mga tulang Tagalog bilang “Bagay Poets”. Si Tinio, kasama ang mga manunulat na kababanggit lamang sa itaas, ay kinilalang kabilang sa grupo ng mga makatang tinawag na “Bagay poets”. Sa ganito nagsimula ang kasalukuyang tinatawag na Kilusang Bagay sa panulaang Pilipino. Bagamat tinawag na Kilusang Bagay, hindi ito isang pormal na kilusan, sa halip ay isa lamang konseptong tumutukoy sa nais mangyari ng mga makatang kabilang sa grupong Bagay poets sa tulang Tagalog:

“Hindi sistema, hindi pormula, hindi rin kilusan. Ang Bagay ay isa lamang konsepto, isang panukala, kung baga, kung ano ang gusto naming mangyari sa tulang Tagalog. Una, gusto naming humulagpos ito sa “luma.” Gusto naming hubarin nito ang gasgas na pananaludtod, ang mga paksaing ibinabad sa emosyonalismo, at ang astang orador na itinatak rito ng tradisyong pabigkas. At ikalawa, gusto rin naming makatakas ito sa “bago.” Gusto naming iwasan nito ang modernistang pagtula ng mga makatang kasali sa grupo na pawang sa Ingles nasanay tumula. Iyon ang pagtulang halos walang pakialam sa mambabasa dahil masalimuot ang paglalaro sa mga salita at sa sintaks ng wikang Ingles, bukod pa sa halos mapaglihim na pagyayaman sa tema. Sa maikling sabi, ang gusto naming ay tulang Tagalog na hinubaran ng nanlilimahid na mga tradisyonal na saplot pero umaayaw naming damitan ng kasuuotang hiniram sa tulang Ingles.”[3]

Sa dekada 70, sapagkat tampok na si Tinio bilang isang mahusay na makata, kasama niyang naitala sa kasaysayan ng panitikan ang Bagay.[4] Ang kanyang apat na kalipunan ng tula – Sitsit sa Kuliglig (1972), Dunong-Dunungan (1975), Kristal na Uniberso (1989), at a Trick of Mirrors (1993) – ay pawang nagpapahiwatig ng kanyang pagiging kabilang sa grupong ito. Sa kanyang Sitsit sa Kuliglig, ang kauna-unahang tulang matatagpuan sa libro ay pinamagatang “Bagay”.

Bagay
Sa harapan mo, nakatirik ang bagay
Sa gitna ng hanging halos gumagalaw.
Nagtitimpi. Sa pagkakahalukipkip
Lalo naming sumisidhi.
Nakatirik parang matang kamamatay.
Nakamulagat ma’y walang natatanaw.
Sinisipat ka nang buong kamangmangan.
Kay hina mong makiramdam!
Walang imik. Ano pa ang masasabi
Sa hanging bingi sa sariling paghuni?
Parang kimi. Bukas ang loob sa hubog
Ng araw na sumsaklob.
At sa iyo (wala nang biruan ito)
Tigas pa ring naghihintay.
Baka raw sakaling kung magkasubuan,
Sukat sinuhin, tuntunin,
Bigyan ng panglan kung maari rin lang.

Sa ilang pang mga akda ni Tinio mapapansin na ang mga paksa ng kanyang mga tula ay hinggil sa mga simpleng bagay o pangkaraning pangyayari sa pang-araw-araw na buhay. Tulad ng iba pang makata na kabilang sa grupong Bagay, mababanaag ang impluwensiya ng eksistensyalismo sa iba pa niyang mga tula.

IV. Pagtalunton sa Landas ng Pakikisangkot

Sa pagpasok ng dekada 1970, humamon sa maraming manunulat ang mataas na antas ng diwang makabayan na lumaganap sa bansa sa pangunguna ng kilusang Pambansa-Demokratiko. Marami sa mg amanunulat ang itinuon ang direksyon ng kanilang mga likha nang sa gayon ay tumugon ang mga ito sa mga isyung kinakaharap ng lipunang Pilipino. Isa si Rolando Tinio sa mga manunulat na lumikha ng mga tula ng pakikisangkot. Ilan sa kanyang mga akdang tula, gaya ng Pangulong Tudling, Koro sa Lansangan at Plaza Miranda, ay naglaman at nagpapakita ng karahasan at pag-aaklas na umiiral sa bansa sa panahong ito. Sa panahong din ito, pormal at kolokyal na Pilipino na ang wikang gamit ng makata sa pagsulat ng kanyang mga tula.

Naging malaki ang papel ni Tinio sa pagpapayaman ng paggamit ng wikang Filipino sa panitikan. Ginamit niya ito hindi lamang sa kanyang mga tula, kundi maging sa paglikha ng kanyang mga gawa sa teatro at iba pang sulatin.

Sumulat si Tinio ng mga sanaysay na tumalakay sa iba’t ibang usapin hinggil sa wika, marami sa mga sanaysay na ito ay matatagpuan sa kanyang librong “A Matter of Language: Where English Fails.”Binigyan niya ng diin ang tungkulin ng isang manunulat sa pagpapayaman sa sariling wika, pagsusulat para sa sariling bayan, at ang paggamit ng panulat upang pagbuklurin ang lahing Pilipino. Nilaman ng marami niyang sulatin ang kahalagahan ng wikang Pilipino sa paglinang ng isipang Pilipino.

Sa kabilang dako, iginigiit kong sa anumang larangang pantao, hindi natin malilinang nang lubusan ang isipang Pilipino sa pamamagitan ng anumang wikang dayuhan. Ang ating wika ang tanging paraan ng pagsusuri at pananaliksik na makapagsisilbi sa atin, sapagkat ito ang makatutuklas ng mga katotohanang nauukol sa atin. Tayo ang dapat na maging hulo at dulo ng ating mga pag-aaral. Walang silbi ang dalubhasang napakagaling sa pag-unawa sa buhay at kalooban ng mga estranghero, ngunit ngangapa-ngapa kapag napaharap sa mga katalagahang Pilipino.[5]

Hindi maitatanggi, ang naging ambag ni Rolando Tinio sa pagtataguyod ng sariling wika ay nagsilbing mahalagang salik sa pagsusulong ng panitikang Pilipinong sumasalamin sa danas at mithiin ng sambayanang Pilipino, gayundin sa pagbubuo ng lipunang Pilipino tungo sa isang lipunang nagsasarili at may ganap na demokrasya.

[1] Isagani Cruz. “Rolando Tinio’s Valediction sa Hillcrest.” http://isaganicruz.wordpress.com/2009/03/07/rolando-tinios-valediction-sa-hillcrest/

[2] Lumbera, Bienvenido. “Ang Pagtulang Bagay: Paghulagpos sa “Luma,” Pagtakas sa “Bago”.

[3] Ibid.

[4] Ibid.

[5] Tinio, Rolando S. “Pilipino para sa mga Intelektwal.”

Setyembre 13, 2013