Reaksyong papel sa artikulong “Philippine Studies: Have We Gone Beyond St. Louis?”

AP 101

Paper#1

(Reaksyong papel sa artikulong “Philippine Studies: Have We Gone Beyond St. Louis?” ni Priscelina Legasto)

Sa kanyang artikulo, may paghamon si Priscelina Legasto sa pagpapakahulugan ng Araling Pilipino – dapat lamanin nito ang isang posisyong mapanuri sa misrepresentasyon ng mga Pilipino bilang “ontological other” ng mga Kanluranin at maghahawi ng daan sa pagbubuo ng bagong aydentidad na hindi nakakulong sa Kanluraning pamantayan at perspektiba.

Kung gayon, inihahain ni Legasto ang isang perspektiba na kritikal sa kolonyal na aydentipikasyon ng pagiging Pilipino – ang paglulugar ng mga Pilipino sa posisyong laging nakadepende sa pamantayan ng Kanluran.

Mabigat ang hamon ni Legasto sa dapat tunguhin ng pagpapakahulugan at pagpapalalim ng Araling Pilipino na nakasaad sa huling bahagi ng kanyang introduksyon. Mabigat, dahil hindi sasapat na tugon ang pagbabalbal lamang upang magmukhang kritikal at intelektwal. Kakambal ng hamong ito ang prinsipyadong tanong na pamilyar sa maraming aktibista sa loob at labas ng unibersidad – Para kanino? Kaninong interes nagsisilbi ang posisyong pinili nating tindigan sa pagbabaybay ng kultura at kasaysayan ng mga Pilipino? Sino ang may higit na pakinabang sa bawat representasyon ng mga Pilipino o ng lipunang Pilipino sa mga pelikula, palabas, balita, dula, at mga nasusulat na teksto?

Naalala ko ang ibinahagi sa akin ng isang kaibigan tungkol sa bagong patalastas ng isang dayuhang kumpanya sa bansa, ang Nestle. Malaking kabalintunaan ang pag-ikot ng tema nito sa tanong na “para kanino ka bumabangon?” na sinusundan ng mga imahe na nagbibigay-diin sa makabuluhang pagbangon nang may rason o inspirasyon – para sa sarili, sa kapwa-tao, sa buong bayan. Tulad ni Legasto, may pagtatangka ang patalastas na hamunin tayong mga manunuod at mamimili – ang bumangon nang may makabuluhang dahilan ng pagpapaunlad hindi lamang ng sarili, kundi ng buong bayan. Progresibo ang hamon sa unang tingin, ngunit sa huli ay nananaig ang pangunahing layunin na maibenta ang produkto. Sa iskrip nito, malinaw ang pagkitid ng ganitong mensahe sa pag-inom ng Nescafe Classic, na sa pamamagitan ng pag-inom ng produkto, magiging makabuluhan ang ating pagbangon:

Para kanino ka bumabangon? Para sa anak. Para sa kaibigan. Para sa ‘di mo kakilala. Para sa bata, sa isip-bata. Para sa marami, para sa sarili. ‘Pag may Nescafe Classic na puro at tunay, sumasarap ang umaga. Para hindi ka lang basta gumigising. Bumabangon ka nang may dahilan. Dahil pag tinulungan mong bumangon ang isang tao, parang buong bayan na rin ang bumabangon. Bangon na sa Nescafe Classic.

Sa kabila ng sa una’y mukhang progresibong hamon ng patalastas, nananatiling pagpapatibay pa rin ito ng kasalukuyang kaayusan na tila ba walang antagonistikong tunggalian sa lipunan, walang malaking sigalot sa pagitan ng dayuhang may-ari at mga manggagawa ng kumpanya, at ang payapa at maunlad na pamumuhay ng mga Pilipino ay maaaring makamit sa pamamagitan ng simpleng pag-inom ng Nescafe. Kaninong interes nagsisilbi ang ganitong representasyon? Walang iba kundi sa interes ng dambuhalang kumpanya ng Nestle.

Ang ganitong kalakaran ng paggamit ng mga progresibo o rebolusyunaryong konsepto sa pagpapatibay ng namamayaning kaayusan at kolonyal na paraan ng pag-unawa at pagpapalalim ng lipunang Pilipino ay laganap hindi lamang sa midya o mga nasusulat na teksto kundi maging sa mga diskusyon sa akademya, mga independenteng institusyon, o kahit sa mga simpleng kwentuhan sa mga komunidad. Kaya naman ang hamon ni Legasto ay hindi lang sapat na matapos sa pagiging kritikal. Ang kritikal na pagsusuri sa ganitong lapit at pagbubuo ng lipunang Pilipino ay dapat magsilbing tuntungan sa pagtindig sa isang posisyon na ang tunguhin ay ang pag-unlad ng kultura at lipunang Pilipino at, at ang pagtaas ng diwang makabayan na magsisilbing simulain ng pagyakap sa interes ng nakararami.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s