Ang Wirdong Panaginip

Napanaginipan ko ang isang kaibigan at kasama na malapit nang magdiwang ng kaarawan. Nakita ko ang katawan niya sa loob ng kabaong, nakasuot ng puting bestida at naka-make up. Maraming tao. Nakatayo ako noon at pinagmamasdan ang nakahimlay niyang katawan.

Tapos parang nakita kong gumalaw ng bahagya ang patay. Hindi ko mapagtanto kung totoo o guni-guni lang yun, pero itinaas niya ulit ang kanyang braso at iginalaw ang mga daliri. Nagpahiwatig ng ekspresyon ang kaninang mapayapang mukha na parang naalimpungatan. Iminulat niya ang mga mata. Dali-daling binuksan ng mga tao ang kabaong at hinayaan siyang makabangon.

Sabi niya naririnig daw niya kanina na tumatawag at umiiyak ang kanyang ama. Weird. Ibig sabihin hindi talaga siya namatay? Hindi rin siya yun tulad ng ibang kaso na namatay na tapos biglang nag-function na lang ulit ang katawan at nabuhay ulit?

Hindi ko alam kung bakit katawan niya ang nakita ko sa loob ng kabaong. Hindi ko naman siya masyadong iniisip nitong nakaraan. Medyo napapadalas lang na nagkakasalubong kami sa mga pinupuntuhan kong mga aktibidad nitong mga huling araw, pero hindi nakakausap nang matagal.

Naalala ko, sa panaginip sinabi ko kay Matet, “sabi nila dapat daw talaga hintayin muna ang walong oras bago dalhin sa punerarya ang patay.” Tumango siya bilang pagsang-ayon. At naalala ko, narinig ko na rin ito sa totoong buhay. Nang namatay ang tatay ko noong nakaraang taon, ayoko sanang pumayag na alisin na ang oxygen sa mukha ni papa (inutos ng doktor). Iniisip ko, baka nahihirapan lang siya huminga kaya tumigil siya sa pagsinghot ng hangin. Kapag tinanggal ang oxygen, lalo siyang mahihirapan at talagang matutuluyan.

Sa burol may nakapagbanggit (hindi ko na maalala kung sino), dapat daw kapag ganun, hindi agad dinadala sa punerarya ang bangkay. Hayaan lang muna ito hanggang walong oras dahil may posibilidad na bigla siyang balikan ng malay. Lalo akong nakaramdam ng pagsisisi, sana hindi ako pumayag nang tinanggal nila ang oxygen. Baka hindi pa talaga sana mamamatay si papa noong oras na yun.

Hanggang ngayon naiisip ko pa rin yun. Siguro kung hindi nangyari ang ganito ganyan, kung hindi ginawa ni ganyan ang ganoon noong mismong araw na ‘yon, hindi pa dapat mangyayari yun. Hanggang ngayon ganoon pa rin at hindi nababawasan ang mga panghihinayang at pagsisisi ko.

Pero kung bakit katawan niya ang napanaginipan kong nasa kabaong kagabi, hindi ko talaga alam. Kung nabubuhay pa sina Jacques Lacan at Sigmund Freud baka kaya nilang ma-psychoanalyze yun. Pero siguro hindi na’ko magtataka kung bakit bigla akong nanaginip ng patay, kabaong at burol.

Nitong mga nakaraang araw sunud-sunod ang balita ng pagpanaw ng mga mahuhusay na kasama: sina Ian, Tanya, Ka Douglas, at kahapon lang nalaman ko na wala na rin si Ka Jake. Sobrang nakakalungkot. Kahit na nabasa ko lang kahapon, tumatampok pa rin ngayon at parang naririnig ko pa nga si Nato na nagsasabing: “We lost a lot of good people the past two weeks. Farewell Ka Jake, Ka Douglas, Tania and Ian. It is not just the manner of death. It is always the fact that they served the people to the very end.”

Kung bakit nakaramdam ako ng pagnanais na makapunta agad sa burol ni Ka Jake, hindi ko maipaliwanag. Pakiramdam ko ay obligado akong magpunta, dapat magpunta ako. Nagyaya (o naghatak?) ako ng mga kasama: sina Soleil, Matet, Goldie. Si Peter na dapat ay pupunta ay biglang nag-ala-MIA (missing in action), hindi ko alam kung nakadaan pa siya ng burol o hindi na. Hindi na rin nakasama si Goldie.

Saglit lang ang inilagi ko sa burol. Pinagmasdan namin ang bangkay ni Ka Jake, at tulad ng napansin nina Ramh, Shai at Matet, halatang malaki ang ipinayat nito kumpara sa larawan niyang naka-display doon. Pero gwapo pa rin, matangos ang ilong at walang bakas ng kalungkutan sa kanyang mukha. Kung meron man, siguro hindi sa kanya yun. Pag-aari yun ng mga naiwan na lubos na nalulungkot at nanghihinayang sa pagkawala niya.

Malabo naman sigurong mangyari na biglang magigising at babangon sa kabaong si Ka Jake, ganundin sina Ian, Tanya at Ka Douglas. Pero yung pinanghahawakan nila nung sila ay nabubuhay pa, kailanman hindi yun mamamatay at malilibing kasama ng mga katawan nila. Magpapatuloy yun at aabot sa mas malawak na saklaw, hindi man sa katauhan nila, naririyan naman ang mga aninong nakikita at hindi nakikita para tanganan ang mga ito.

Marami yata akong iniisip nitong mga nakaraang araw. Maraming kailangang gawin, pero pakiramdam ko wala ako masyadong nagagawa, natatali na lang sa kakaisip. Lakad ako nang lakad, kung saan-saan. Pero lagi’t lagi sa huli, dun ako bumabalik kung saan ako nanggaling. Sa boarding house, sa UP, sa mga taong nakasama ko mula nang ipanganak ako sa pangalawang pagkakataon.

Marami na ang nakakalimutan ko, at marami rin akong nalaktawan nang hindi namamalayan. Kaya siguro dun ako ibinabalik ng mga panaginip ko. Marami akong kailangan at dapat balikan. Wala namang masama sa paglalakad at pagbabalik. Siguro kailangan ko lang magawa yun sa pinakamabilis na panahon para hindi ako makaramdam ng pagkapagod.

Enero 29, 2009

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s