Panganay na Liham

“Is it not the destiny of childishness to be overcome? (One) cannot remain a child forever. (One) must venture at last in a cruel world.”

– Sigmund Freud

Huwag masyadong manabik

at umasang darating nang maaga

ang pinakapayat at hikain sa inyong mga anak.

Sapagkat ako mismo,

hindi ko tiyak kung kailan uli

makakabalik sa tahanang nagpatahan

ng mga musmos kong iyak,

at nagsukbit ng mga larawan

ng aking kawalang muwang.

Ngunit hindi.

Hindi ako hinahapo ng pagod.

O naliligaw.

Dangan nga lamang,

nagsilang ng mga daan ang aking paglalakbay.

At mula sa sinapupunan ng silid-aralan,

muli akong isinilang sa kandungan ng sambayanan:

pumunta sa estero at pabrika sa lungsod;

tumungo sa nanunuyong pilapil sa nayon;

at inakyat ang talahibang bundok.

Ngunit sakali sumunod kayo

at makita akong nakahandusay

at lukob ng sariling dugo –

Huwag…

Huwag ninyong iluha ang panghihinayang

sa pagpapatahimik sa akin

ng mga kalaban sa maka-uring tunggalian.

Sapagkat hindi sa akin

ang bangkay na kalong ng daigdig,

o ang dugong pumupunit sa malamig na sahig.

Kayo iyan: mga piraso ng inyong pagkatao.

Abono at pataba ang dugo, laman, at luha

para sa bayang nakalibing ang laya sa tigang na lupa.

-Richard R. Gappi

circa 1995-1998

Angono, Rizal, Pilipinas

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s