Pulang Rosas

ni Jonna Baldres
(August 3, 2006)

“Yez madz c karen natin menn… hagard d ba..”

Para akong natigilan nang nabasa ko ang kumpirmasyong ito. Ito ang isinagot sa akin ng isang kaibigan noong isang araw nang tanungin ko kung si Karen Empeno nga na dinukot ng mga militar sa Hagonoy sa ilalim ng yunit ni Jovito Palparan ay si Karen na kaibigan namin. Hindi ko kasi alam ang apelyido n’ya bagamat may ilang buwan din kaming nagkasama sa unibersidad. Sa paggampan naman kasi ng mga gawain, wala namang pinipiling pangalan ang pakikisama. Faceless and nameless tribes, ika nga.

Ilang araw bago sumapit ang SONA noong ika-24 ng Hulyo nang mabasa ko sa isang kinabibilangang email list ang liham para kay Nanay Concepcion na naglalarawan kay Karen. Noon lamang sumagi sa isip ko na maaaring s’ya nga ang Karen na kilala ko. Lalu pang tumindi ang hinala ko nang makita ko nito lang nakaraang linggo ang may kalumaang larawan ni Karen (na may background na Banaue Rice Terraces) sa friendster profile ng isang kaibigan at ang caption sa ibaba nito ay nagsasabing “Thesis na lamang ang kulang ni Karen upang makapagtapos ng kursong Sosyolohiya sa UP”. Hindi ako mapakali kaya’t minabuti kong tanungin ang isang kaibigan sa Pilipinas. Tama ang hinala ko. At dahil doon, hindi ako nakatulog nang mahimbing nitong nakaraang dalawang gabi. Iniisip ko pa rin si Karen hanggang ngayon. Naalala ko tuloy ang mga panahon na nagkasama kami.

Sa unang pagkikita, parang matagal na kaming magkakilala. Wala pang isang buwan noon nang dumating ako galing sa anim na buwang pamamalagi rito sa Tate. Dahil bibong bata, si Karen ang unang bumati sa akin. Nasa Vinzons kami noon. Pinapakilala ang mga kandidato ng partidong kinabibilangan namin para sa student council elections kaya’t andun kami bilang mga taga-suporta. Hindi ko pa s’ya kilala noon at sa palagay ko nga ay noon ko lang din s’ya nakita. Halos sabay lang din yata kaming naging aktibista, pero mas masigasig s’ya kaysa sa akin. Mas marami na s’yang naging karanasan sa pakikibaka lalu’t sa piling ng masa.

“Nakita ko ‘yung pictures n’yo! Astig!” Eto ang unang mga salitang narinig ko mula kay Karen. Feeling close na kaagad s’ya. Kakagaling lang kasi namin noon sa isang exposure trip at may mga litrato kaming iniuwi. Nagulat nga ako nang binati n’ya ako dahil noon ko pa nga lang s’ya nakita. Hindi ko pa alam ang pangalan n’ya pero sa paraan ng pakikipag-usap n’ya sa akin, mukhang kilalang-kilala na n’ya ako. Hindi ko rin inakala noon na isa si Karen sa mga magiging mahalagang instrumento kung bakit patuloy pa rin akong nakikibaka hanggang sa ngayon.

Simula sa unang araw na iyon na nakilala ko s’ya, kinakitaan ko na si Karen ng disiplina bilang isang kasama. Lahat ng tungkulin ay naisasagawa n’ya nang maayos at isa s’ya sa mga taong maagang dumarating sa usapan. O kung hindi man s’ya makarating nang maaga o nasa oras, kaagad s’yang nagpapasabi.

Hindi mo kakikitaan ng anumang bahid ng kalungkutan, lalu’t ng kasamaan, si Karen. Kapag nasa paligid s’ya, laging masaya. Laging positibo ang pagtanaw sa mga bagay. Tama ang nasabi sa liham na inilathala sa Kritika ni Teo Marasigan, “dalisay ang puso” ni Karen. Walang pag-aalinlangan kong sasang-ayunan ito. Dalisay sa pinaka-dalisay pa nga kung meron man.

Masigasig at walang takot na mamulat at magpa-mulat sa mga kapwa n’ya estudyante. Sa katunayan, kahit hindi na ako estudyante ng akademikong paaralan nang mga panahong iyon, isa ako sa mga walang-tigil n’yang ginabayan. Maaaring thesis na nga lang ang kulang ni Karen, ngunit higit pa sa isang graduate ng institusyon na tulad ko ang mga nagawa n’ya upang matulungang maiangat ang masang nagpapa-aral sa kanya. At iyon ay ang makipamuhay at makipaglaban para sa mga karapatan kasama nila. Isang tunay na Iskolar ng Bayan.

Bagamat iilang buwan lamang ang pinagsamahan namin, isa ako sa mga nakasama ni Karen noong mga huling araw bago s’ya tuluyang lumubog sa batayang masa noong nakaraang taon. Umiiyak s’ya, pero masaya. Wari mo’y nagbabalik-tanaw sa komportableng buhay na tatalikuran n’ya, ngunit masaya at walang halong pagsisisi dahil mamumuhay s’yang kapiling ng masang natutuhan na rin n’yang mahalin at paglingkuran. Kinukwento pa nga n’ya kung gaano s’ya ka-selan sa mga bagay at pagkain bago s’ya nagpasyang sumailalim sa proseso ng pagpapanibagong-hubog. Bagay itong lubos na hinangaan ko kay Karen sapagkat bilang nagmula sa uring peti-burgesya, natutuhan n’yang maalpasan ang mga sariling kontradiksyon na marami pa rin sa mga aktibista ang hindi ito magawa.

Naalala ko rin nang nagkukwentuhan kami noong huling gabi na magkasama kami, tinanong n’ya ako kung ano ang pagtingin ko sa kamatayan. Sinabi kong takot akong mamatay. Wala naman yatang hindi. S’ya rin naman daw. Ngunit bagamat lahat naman tayo ay may takot, nagkakaiba-iba pa rin ang paraan ng pagpanaw ayon sa kabuluhan. Naalala kong binanggit n’ya ang mga salitang ito ni Mao Zedong: “Ang mamatay ng alang-alang sa sambayanan ay kasingbigat ng Bundok Tai, samantala ang maglingkod sa pasista at mamatay para sa mga mapagsamantala at mapang-api ay mas magaan pa sa balahibo.” (To die for the people is weightier than Mount Tai, but to work for the fascists and die for the exploiters and oppressors is lighter than a feather.)

Nang muli kaming magkita noong Disyembre – bilang huling pagkikita namin — sa naganap na film showing sa Sunken Garden, hindi pa rin naglaho ang kasiyahan sa mga mata ni Karen habang kinukwento ang mga karanasan sa piling ng mga magsasaka. At batid ko, hanggang sa dukutin s’ya ng militar, kasama ang isa pang estudyante ng UP na si Sherlyn Cadapan at ang magsasakang si G. Manuel Merino, noong gabi ng ika-26 ng Hunyo, hindi n’ya pinagsisisihan ang pagtahak sa landas na madalas ay iniiwasan ng nakararami. At hanggang sa mga huling sandaling iyon na nakita si Karen, alam kong kahit kailan, hindi n’ya pipiliing mamatay sa paraang mas magaan pa sa balahibo.

Bagamat nasa ibang bayan ako, alam kong tulad ko, maraming mga kasamang nasa Pilipinas ang nananangis sa pagkakadukot kay Karen, at sa hindi pagpapalutang rito na mahigit nang isang buwan. Marami ang umiiyak, ngunit marami rin ang umaasa. At hangga’t hindi tumitigil ang pagdami ng mga nagiging biktima ng kalupitan ng naghaharing sistema, sigurado ako, marami rin ang patuloy na lumalaban.

Mahigit pitong daang aktibista na ang pinatay at dinukot sa loob ng anim na taon ni Gloria Macapagal Arroyo, pilit na ipinaliliwanag bilang bahagi raw ng anti-insurgency/anti-teroristang kampanya ng gobyerno. Pero ngayon lang na sa isang malapit na kasama ito nangyari. Isang ordinaryong estudyante. At ang paraan ng pambubusabos na ito ay hindi malayong mangyari sa ibang mga ordinaryong mamamayan at kabataan ng bansa. Hindi malayong mangyari sa akin. O sa inyo na nakakabasa nito. Walang pinipili ang kalaban, mapanatili lamang ang sarili sa puwesto at kapangyarihan.

Kaya nga’t wala ring dapat na pinangingilagan ang pakikipaglaban. Sa bawat panahon, may pakikipagtunggali. At hindi ito natatapos sa pagkawala ng ilang mga kasama. Sa halip, mas lalo pa itong umiigting. At hangga’t hindi nakakamtan ang inaasam na tunay na kalayaan, tulad ng pinili ni Karen, ni Sherlyn at ng daang-daang aktibistang nakikipaglaban, wala nang iba pang landas tungo sa pagkakamit nito — hindi paatras, hindi patalikod — kundi pasulong.

*Para kay Karen at sa iba pang biktima ng karahasan ng uring mapagsamantala, marami kaming kasama ninyo. Laban kung laban.

**At oo, kahit wala ako sa sariling bayan, walang panahong sinasayang. Tuloy ang laban, mapadpad man kahit saan.

***PATALSIKIN SI GLORIA. ‘Yun lang.

Madame President, does this young woman look anything like terrorist to you? Terrorized ka na bang mapatalsik ka sa puwesto kaya’t pati si Karen, pinadukot mo? HOW UBERLY PATHETIC! Grabe!

Madame President, does this young woman look anything like terrorist to you? Terrorized ka na bang mapatalsik ka sa puwesto kaya’t pati si Karen, pinadukot mo? HOW UBERLY PATHETIC! Grabe!

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s