Ang Maggagapas

ni RG Tesa

I. Paghahanda

Sisikat ang araw,
papawiin ang lamig
na naramdaman sa magdamag,
ng nakabaluktot ngunit
naalimpungatan nang
abang magsasaka.

Babangon siya mula sa banig,
hahalughugin ang kusina.
Ihihiwalay ang mainam pang
kanin mula sa tutong.

Ang kanin, aalmusalin,
kasabay ng tirang ulam kagabi:
isang pirasong sardinas,
at sarsa nitong nakadikit na
sa may kalumaan nang mangkok.

Ang tutong ay pakukuluan,
sasalain ang itim na Am,
hahaluan ng kakarampot na asukal;
lalagukin, ipanunulak sa laman ng bibig,
gigisingin ang nahihimbing na kalamnan.

II. Pagpapagal

Sa pag-abot ng araw
sa karurukan ng kalangitan,
walang kinilalang pahinga
ang mga ginapos sa gapas –
ang abang magsasaka’y
walang habas sa pagkumpas.

Tangan niya’y kinalawang
na karit, pamana ng amang
niyapos na ng katandaan at kahirapan.
May kapurulan na, subalit
tila nakikita niya ang mga butil
ng pawis at dugo sa maghapon,
ng ama at ama nitong
umaani ng aning
hindi naman naani.

Ibigay mo kay Caesar ang kay Caesar
at sa Diyos ang sa Diyos,
pero ang sa maggagapas,
ay kay Ser Tierra Agaron!
‘Pagkat salita niya’y batas,
sa tinatamnang lupa ng mga aba.
Lupang mula sa mga
payak na ninunong
nagmay- ari at inari na nito.
Lupang hindi niya batid,
kung bakit hindi kaniya.
Hindi kanila…

III. Paghaharap

Binuhat niya ang mga sako,
na ewan ba niya kung bakit,
sa kabila ng kanyang kabataan,
ay kay bigat na nitong pasanin?
Sumisigid sa buto,
lumalatay sa nasunog nang balat.

Lumapit siya, sila,
kay Agaron-panginoon,
kinuwenta ang parte
70% sa upa sa lupa
20% sa usura
10% sa maggagapas –
Sinuma niya ang kaniya,
P300 ang natira.

Tiningnan niya si Agaron,
Nagpapawis, sinanay
sa komportableng katre,
Air- con sa magdamag,
kasama ang 19- taong gulang
na magandang kabit nito.
At mag- aalmusal sila
ng steak sa umaga,
kapeng galing sa Alemanya,
habang nagpaplano
kung papaano mananalo
sa susunod na halalan.

Sa pagtingin niyang ito,
hindi niya lubos maisip,
kung bakit yumayaman
ang hindi nagpapakahirap
at ang nagpapakahirap
ay hindi yumayaman?

Pinigil niya ito,
subalit ang mga salita’y
naipon, naging bikig
sa lalamunan, hindi malulon.
Kaya ubod lakas niyang
naidura, sa harapan ng madla
At ni Agaron –
AMIN ANG LUPA!
BAKIT IYO ANG LANGIT?

Hindi niya na namalayan,
may humugot sa kaniya,
kinaladkad, hindi nakahuma
ang mga maggagapas.
Hanggang sa dinala siya
sa isang kubli at madilim na silid.

“NPA KA NO?!”
hindi tanong, bagkus
isang deklarasyon, at tunay nga,
bago pa siya nakasagot
ay isang bigwas ang umalog
ng kanyang ulirat.
Isa pang tanong,
mula sa ibang boses,
“NPA KA NO?”
“Hindi po! Hindi po!”
Huling salitang nabitiwan niya
bago tuluyang nalaglag
ang naalog na ulirat.

IV. Kaligtasan?

Nagising na lang siya,
gabi, sa gitna ng bukirin,
nanakit ang tadyang, baywang,
putok ang labi, pikit ang isang mata.
Hubad baro, tigmak ng dugo.

Nang kaya nang indahin ang sakit,
naglakad ng paika, pauwi
hinugasan ang sarili,
nagbihis at nahiga.
Hanggang sa lamunin siya
ng kalaliman ng gabi.

V. Pagkamulat

Sisikat ang araw,
subalit hindi na nilalamig
ang abang magsasakang
minanhid na ng pasakit.

Babangon siya mula sa banig,
Hahanapin sa buong kubo
ang mapurol nang karit.
Nang mahanap,
Inilapat sa hasaan,
at buong bilis, lakas
puno ng galit at dalamhating
pinatalim at pinatalas,
na tila ba may bagong tatamnan,
bagong aalagaan,
bagong paggagapasan.

Ibinalot niya ito,
kasama ng iba pang gamit.
Lumabas ng kubo,
iba na ang itsura ng bukirin
nang huli niya itong masdan kahapon.
Hindi pa rin ito kanya, kanila
subalit may dalang pag- asa
ang pulang sinag ng araw
mula sa silangan.
Tila mas pinalulusog nito,
ang bawat butil ng palay,
pinalalakas ang kanyang kalamnang
puno ng dugo ng kanyang ninuno;
sila na naglinang ng lupaing ito.

Huling sulyap, habang yumayao.
At namutawi sa bibig
ng abang magsasaka:
Di na muling
pagagapos sa gapas.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s