Mga Tula ni Richard Gappi

Noo

Tuwing idadampi mo
ang iyong labi
sa aking noo
tila mata itong
sumisilip sa bintana
ng aking puso.
Nahahawi ng mainit
mong hininga
ang mga tuping tumatabing
sa pangungulila at
pag-iisa.
Nanunulay ang aking
kaluluwa sa pilik mata.

Telepono

Kapag hindi
ka tumawag
(kahit nagbeep
na ‘ko,
bulong ko
sa anino)
nagiging busy
ako sa
paghihintay.
Pumupulupot ang
mga hinala
sa kawad
ng isip.
Nagda-dial ang
mga dahilang
sindami, marahil,
ng kombinasyon
ng mga
bilang. At
kapag kumiriring,
sabay sa
pag-angat ang
hiling: na
boses mo
na sana
ang nasa
kabilang linya.

Kung hanggang tula lang ako

Puting lapida itong pintong papel.
Tuwing dadalaw ka, nagkakapangalan
ang pangungulila, nahahawi
ang mga agiw na napagkit sa ukit.
Tila umiingit na bisagra ang mga salita
kapag pinatutuloy ang mga ito;
Sumisilip naman ang mataas na sinag,
tila balaraw na nilalaslas ang dilim
na nakalupasay sa sahig
Minsan, nagmumulto ang puntod.
Pinangangatog ang tuhod.
Ngunit muli akong ipapanatag,
ng kalokohang nakapinid na
ang ngiti ng lugod,
nakahimlay na ang damdaming
nagpatibok sa puson.
Sa ganitong tagpo, lalong
lumalawak ang giwang ng pinto.
Sapagkat sa bawat katok ng mga salita
nauulinigan ko ang iyong
mga impit na halinghing at bulong;
sa bawat tulos ko ng taludtod,
pumapatak sa diwa ang malalapot na gunita;

at kapag naitundos ko ang imahen,
nakukuyom ko kahit
ang balangkas ng iyong anino.
Kaya unawain ako
kung ito lang ang kayang gawin.
Sapagkat tula lang naaangkin.
At dito ka lang nagiging akin.

(mula sa Balitaw, Literary Folio ng Philipping Collegian 1997-1998)

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s