El Nino

Malapit na akong magdeklara ng state of calamity
sa tindi ng tagtuyot sa aking mga labi.
Ilang baso ng tubig na ang dinilig
Ramdam pa rin biyak sa aking bibig.
Hirap tuloy ngayong ngumiti
Tuwing susubuka’y napapangiwi.

Panghihinayang sa antok

Ganito ang manghinayang:

Mararamdaman mo ang antok sa oras na hindi ka pa handang matulog. May bigat sa talukap ng mata. May pagnanasang humilata. Makikipagtitigan ka sa orasan at maiisip mo, maaga pa naman. Tatapusin mo ang kwentuhan habang patuloy na pinaaalahan ang sarili na hindi magpupuyat.

Hanggang sa magdesisyon kang makipagtuos sa gabi-gabing ritwal ng pagmamalinis. Pupunta ka sa kusina. Papasok sa banyo. Haharap sa salamin. At muli, papasadahan ng sulyap ang aparatong bilog at mapagtatanto mong ngayon na ang tamang oras. Bubulong ka, “Kaunting minuto pa hanggang matuyo ang buhok.”

Di kalaunan ay mangyayari ang iyong nais. At saka pa lamang sasalubungin nang buong pananabik ang paanyaya ng iyong kama. Pipikit ka. Tatagilid sa kanan. Higa nang deretso. Tagilid sa kaliwa. Taas-baba ang kamay. Taas-baba ang paa. At paulit-ulit mong hahagilapin ang tamang pwesto. Hihinga ka nang malalim. Kukunot ang noo. Kakapain sa tabi ang telepono at lalantad sa’yo ang oras ng katotohanan:

Dumating na, pinalampas pa.